Saturday, 21 July 2012

Isang alaala

"Ganyan talaga ang buhay. Isang aksidente lang at iba na ang lahat."


Sinabi ito ng aking guro sa isang klase sa Filipino nung isang araw at hindi ko napigilan na mapaiyak. Hindi ko napigilan ang aking sarili na maalala ang nangyari noon. Pinilit kong mag-isip ng ibang bagay at makinig na lamang sa diskusyon sa klase ngunit, nahulog na ang aking buong luob at kaisipan sa isang alaala.


Walong taon na ang nakalipas ngunit tagos pa rin sa aking kalooban ang mapait na pangyayari. 


Feb. 14, 2004, Araw ng mga Puso. Nakaplano na ang lahat. Susunduin dapat namin ang aking inay sa paliparan pagkatapos ay kakain dapat kami sa labas at manonood sana ng sine. Iyon ang plano namin ni itay, ate at bunsong kapatid na lalaki. Isang plano na dapat nangyari. Isang simpleng plano na sa kasamaang palad ay hindi natupad.


Naghahanda na kami lahat para sunduin si inay sa paliparin. Kumain, naligo at nagbihis. Handa na kaming magkapatid ngunit hindi pa handa sa itay. Naisip naming magkapatid na laruin ang bagong laro sa playstation na binili ni itay para sa amin habang hinihintay siya. 


Kalahating oras ang lumipas at hindi pa rin siya handa ngunit, naririnig pa rin namin ang tunog ng tubig na tumatagos sa kaniyang banyo kaya't inisip namin na naliligo pa rin siya. 


Pagkalipas ng isang oras na paghihintay, kaduda-duda na ang tunog ng umaagos na tubig. 


Lahat kami sa bahay noon ay babae at musmos pa lamang ang aking kapatid na lalaki kaya't nahiya kami na pumasok sa banyo upang tignan ang aking itay. Naglakas ako ng loob at binuksan ko ang banyo ni itay. Naririnig ko pa rin ang agos ng tubig galing sa shower. Tinawag ko si itay mula sa pintuan...


"Dad?"


Walang sagot.


Lumapit ako sa paliguan at napansin ko na wala akong makitang anino sa likod ng shower curtain. Tinawag ko muli ang aking itay...


"Dad?"


Nang wala pa rin akong nakuhang sagot, wala na akong ibang maisip na gawin kung hindi itabi ang shower curtain. Pagtabi ko ng shower curtain, nakita ko ang aking itay na nakadapa sa loob ng paliguan na hindi humihinga o gumagalaw.


Ang mga sumunod na pangyayari ay halo-halo na sa aking isipan. Naalala ko na tinawagan ni ate ang lahat ng aking kamag-anak. Isa sa aking mga yaya ang inutusan kong tumawag ng ambulansya. Kasama ng aking isang ko pang yaya, lumabas kami sa bahay upang maghanap ng tulong. Isa-isa kong pinuntahan ang aking mga kapitbahay ngunit puro mga yaya rin ang aking nakaharap. Pinuntahan namin ang mga gwardya ng aking tahanan upang humingi ng tulong na mailabas lang sana ang katawan na aking itay sa loob ng paliguan. Pagbalik namin sa bahay, may isang trak ng mga bumbero ang nakaparada sa harap ng aking bahay. Natuklasan ko na bumbero ang tinawagan ng aking yaya at hindi ambulansya. Habang umakyat na ang mga gwardya sa taas upang mailabas na ang aking itay, tumawag na ako ng ambulansya. 


Dumating ang ambulansya paglipas ng mahigit-kumulang kalahating oras pagkatapos naming makita si itay sa banyo. Sa aking gulat, hindi ambulansya ang pumarada sa harap ng aming bahay, ngunit isang L300 na wala man lang oxygen tank o kahit anong medikal na instrumento. Wala kaming oras na mamili at sumakay kami ni ate papunta sa ospital.


Pagdating sa ospital, si ate lang ang pinayagang pumasok sa loob dahil siya ang mas matanda. Naghintay lang ako sa labas sa isang maliit na upuan. Pinagdadasal ko na noon na nagbibiro lang ang aking itay at tatayo na siya na walang damit at susunduin na namin si inay sa paliparan.


Pagkalipas ng ilang minuto, may dumating na taxi sa harapan ng ospital. Bumaba dito ang aking inay na iyak ng iyak at dumiretso na siya sa loob ng emergency room. Hindi nagtagal, lumabas na aking ate at umupo siya sa tabi ko. Hindi kami kumikibo sa isa't isa.


Pagkalipas muli ng ilang minuto, dumating ang pinakamatandang kapatid ni itay at dali-dali siyang pumasok sa emergency room


Pagkalipas ng halos isang oras sa labas, biglang lumabas ang aking tito. Nakikita kong pulang-pula ang kaniyang mga mata at dahan-dahan siyang lumalapit sa aming magkapatid. At sinabi niya ang tatlong salita na kahit kailan, hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko.


"Wala na eh..."


Hindi ko maipaliwanag kung ano ang naramdaman ko pagbitaw ng tito ko ng pangungusap na iyon. Parang wala ng tama sa mundo. Hindi ako makapaniwala na wala na nga si itay. Pumasok ako sa loob ng emergency room at niyakap agad ako ni inay at magakasama kaming umiyak ng umiyak. 





Pagkatapos ng araw na iyon, iba na ang perspektibo ko sa buhay. 


Napakahalaga para sa akin ang aking pamilya. 
Hindi ko maipapagpalit ang pinagsamahan namin ni itay. Gagawin ko ang kahit ano para lang makasama ko si itay kahit isang araw lang. 
Kaya, ginawa kong misyon sa aking buhay na patuloy na mabuhay sa paraan na gusto sana ng aking itay para sa akin.
Nag-aral akong mabuti sa hayskul. Naging aktibo ako sa iba't ibang organisasyon. Naging aktibo rin ako sa mga palaro at naging atleta. Nang kailangan ng pumili ng kolehiyo, hindi na ako nag-isip ng matagal dahil alam kong sa Ateneo ang gusto ni itay para sa akin. 


Patuloy akong nabubuhay ngayon na sana, maipagmamalaki ako ni itay at sana, matutuwa siya sa akin.



Mahal na mahal kita itay.